Noong magkasama pa kami sa kotse ng aking Ama e nangyari ang aksidenteng ito.

Oo, naibangga ko ang kotse namin. Wasak. Sobrang warat e iisipin mo na laang na ipang-down ng bagong kotse yung pera mo kesa ipangrepair.

Teka, di ba expired na ang lisensiya mo? Paanong nangyaring ikaw ang nagdadrive ka?
Tama, expired na ang lisensya ko noon pang 19something. Merong panahon noon na sinikap kong magkaroon ng lisensya para makapagdrive. Ito e noong nasa kolehiyo pa ko. Kung alam ninyo ang developmental psychology ninyo e alam ninyo kung bakit gustong magdrive ng kotse ang mga tao sa ganoong edad.
Madamot magpahiram ng kotse ang Daddy ko. Ang nahihiram ko laang noon e owner-type jeep namin. At noong panahong napagdesisyunan niyang pahiramin na ‘ko, ito e ilang taon na pagkalipas noong nagkalisensya na ko. So ang nangyari noon e si Rizving kabarkada ko ang pinagkakatiwalaan niya.
Preo bihira yun at halos iyakan pa bago mahiram.
Nakakahiram ka naman pala. Sana ni-renew mo yung lisensya mo para pahiramin ka.
Merong pangyayari. Huwebes Santo yun. At kung kilala ninyo ko nang ganap e alam ninyong mas gusto ko pa ang Holy Week kesa Pasko (ibang topic na yun). So bigdeal sa akin ang hindi ako pahiramin noon dahil wala kaming magagamit na sasakyang pangbisista Iglesia kasi hindi pwede sasakyang nina Rizvi noon yun. Last resort na nga laang yung manghiram ke Daddy. Pero hindi ako pinahiram.
Doon sa Burger Machine sa Salinas, sa kaisa-isang simbahang dinayo namin dahil walang kwentang magbisita Iglesia ng komyut, e isinumpa kong hinding-hindi ako magda-drive kung hindi rin laang akin yung kotse.
Fast forward sa panahong ito. Hindi pa rin ako nagkakakotse. Okey laang. Kung tutuusin makakapagloan ako para makabili -tingin ko o kaya e kahit yung mga second hand second hand laang. Ang punto ko, knug gutso kong makabili ng kotse e makakaya naman.
E bakit hindi ka bumili?
Sa ganitong uri ng traffic sa Pilipinas?! Dapat e binabayaran ka para magpaandar ng sasakyan! Sinong me ganoong kahabang pasensya ang makapaghihintay sa ganoong klase ng traffic? At pano ko matutulog sa byahe kung ako ang nagmamaneho. Tapos nariyan pa yung hassle nung parking. Maintenance. Etc.
Teka, kung hindi ka pala nagdadarive, bakit ikaw ang nakabangga?
Ganito yun. Tong si Daddy e tuwing darating ng SISC e doon ihinihinto ang sasakyan sa tapat ng rampa ng basement parking. (nasa larawan: basement rampa papasok ng basement parking)

Bababa kami, handbrake niya, time in niya sa bundy sa bandang kaliwa, mga sampung hakbang mula rito. Ganoon. Itong umagang ito nang Biyernes e nalimutan niyang ihandbrake. Dumusdos tuloy yung sasakyan. At ako, sa aking bagong gising na estado (sa mga kasamahan ko sa trabahong nakita kung pano ko pag bagong gising e alam na nila ‘to) at impluse, instinct, e sumugod papasok ng kotse para iligtas ang sasakyan.

Nakapasok ako sa loob ala-action star. Kaso hindi maabot ng paa ko yung brake. Bumulusok pababa yung kotse kasi dumusdos na. At nakita kong sa kanan ko e naiwan ko palang bukas ang pintong pinasukan ko. Tumama yung pinto ng kotse dun sa kanang base ng arko. Sumambulat yung bintana’t napulbos yung salamin. Ibinawi ko sa kabila kaso sumalpok rin yung kotse sa kaliwang bahagi ng entrance dun sa parang ikalawang beam ng pader.

Parang pinball ang nangyari.
- Tumama yung kanang pinto (na nakabukas) ng kotse dun sa kanan ng arko.
- Sumalpok yung nguso ng kotse sa dun sa pader sa kaliwa kung saan ito ay tumigil sa pag-andar.
Sugod si Daddy at tiningnan kung ano nangyari.
“Anong ginawa mo?”
“Iniwan ninyong hindi naka-handbrake ang kotse! Pinilit kong iligtas.”
HIndi ko na ilalagay ang mga pinag-usapan namin dahil hindi ko rin matandaan. Malamang e ikiwento ko laang yung nangyari. So, i-copy and paste ninyo na laang yung pagkakasalaysay ko dun sa una.

(Eto ang resulta pagkatapos ng aksidente. Itunulak na laang ito pababa at ipinwesto rito dahil hindi na mapapaandar. Hindi ko nakunan yung kotse sa kung asan ako huminto. Mapagalitan pa ko’t sabihing, “Nabangga na nga e kung anu-ano pang pinagkokodak mo!”)

Nag-time in ako sa bundy, tapos nag-CR. Nakaharap ako sa salamin ala Travis Bickle ng Taxi Driver -may gasagas pala ang noo ko sa bandang kilay. Doon ko laang narealize na delikado pala ang ginawa ko. Kung nahuli ako nang konti e maaaring naipit ang binti ko sa pinto. Hindi man ako nalumpo nung pulikat -e yung aksidente naman ang tatapos sa trabaho.
Ngayon ‘pag iniisip ko: Wala pang isang kilometro kong naidadrive yung kotseng yun sa buong buhay ko. Dati, pina-test drive ni Daddy yung kotse sa pinsan kong si Kuya Dodie. Ito e noong bago pa ‘to. At noong nasa Bacao kami, bandang EPZA, pina-drive niya sa ‘kin ang kotse. Baka mga wala pang isang kilometro yun. Tapos, dagdagan ng ten feet ngayon. Ganun kagisi ko laang napaandar ‘yun. At sa pagkakaalam ni Daddy e yun ang una’t huli kong pagdadrive dahil hindi niya alam yung sa EPZA. Una yung EPZA, ito yung huli.
“Malamang e nagpapalit na ang kotse…” sabi ni Daddy habang tulalang umiinom ng kape’t iniisip kung bakit hindi nya naihandbrake ang sasakyan.
Baka nga -SAMPUNG TAON na rin naman kasi yun! Pabalik-balik sa talyer. Lahat ng mga kasabayan niya sa management e nakapagpalit na ng mga sasakyan. Siya laang ang hindi ko maintindihan kung saan napupunta pera.

Tapos e maririnig ko ‘to:
Sablay kasi ang diskarte ni Jerome. Hindi kasi marunong magdrive. Dapat… Dapat…
Eto mali ko -hindi ko ginamit ang handbrake. Ngayon, ipagawa nila uli sa akin ang stunt, sige, lalaban ako ng pustahang maisasalba ko yung kotse. Gawin pa nating ganito: Pumili sila ng ibang kotse, ayahin uli yung pwesto, isasalba ko. Pag sumablay ako e babayaran ko.
Namputang kadaling sabihin ngayon kasi wala sila sa sitwasyon ko. Kahit si Michael Schumacher e hindi makakahirit sa sitasyong yun kung kapareho eksakto ang sitwasyon. Eto ang mga factors:
- Bagong gising ako mula sa pagkapuyat na pagtulog nang 2:30 dahil sa PNU requirements.
- Biglaan yun. Kunyari sasabihan siyang matulog dun. Wala siyang ideyang ihuhulog pala siya sa basement parking.

So dapat e hindi planado at walang ideya ang bagong gising na puyat na Michael Schumacher na ganoon ang mangyayari. Tingnan ko kung maisalba niya yun.
O kaya, huwag na si Michael Schumacher, ikaw na laang kung feeling mo e kaya mong gawin yun.
Aba’t ang Daddy ko e mukang alalang-alala sa sasakyang sampung taon na. Mukang ewan laang sa kanya yung pareho kaming ligtas -lalo na akong sumuong para iligtas ang sasakyang hindi naman dapat kakailanganing iligtas kung hindi laang niya kinalimutan yung handbrake. In the first place nga hindi dapat siya dun tumitigil. Siya ang gumawa ng panget na habit na doon tumigil.
Tapos e maririnig kong na-aggravate ko raw ang damage dahil minaneho ko pa. Sana hinayaan ko na laang mahulog mag-isa. Yeah, right. Sa susunod, maggawa ka ng instruction manual ala -ISO na tuwing me pagkakataong me mahuhulog tayong sasakyan e hindi ko na hahabulin para hindi ma-aggravate.
Tatampo ka?
Hindi ‘to tampo. Nililinaw ko laang kasi sinabi sa ‘kin ni Meina na may mga nagsabing palpak ginawa ko. Eto sa muka ninyo ang paliwanag ko.
Alam mo dapat matuwa kayo’t ligtas kayo. Walang nasaktan.
Sa isang banda e naiiintindihan ko kung anong pinanglulumo ni Daddy. Yang ganyang klase ng paliwanag e kalokohan. E di sa lahat na laang e ganoon ang paliwanag tuwing me nangyayari sa yong masama.
Halimbawa:
- Nasagasaan ang alaga mong pusa. E di isipin mo na laang na at least e hindi kamag-anak ang nasagasaan.
- Nanakawan kayo sa bahay. E di isipin na laang na at least e hindi kayo nasunugan. Tutal lagi rin namang sinasabi ito sa mga taong nasunugan. “Mas mabuti pang manakaawn ka kesa masunugan.” For a change e ganun agad ang sabihin mo sa taong nanakawan.
- Buset ang presidente natin. E di isipin mo na lang na kesa naman panahon ni Marcos. O kaya at least wala namang gera sa tin tulad ng Iraq.
- Kunwari ikaw e nagtatarabaho sa pabrika, nabagskan ng mabigat na makinarya ang daliri mo’t naputol. Isipin mo na laang na at least hindi buong kamay ang naputol sa ‘yo.
- O kaya e matigas ang kutson ng kama mo. E di isipin mo na laang na at least hindi bundok ng basura ang hinihigaan mo, tulad nito. (Nasa larawan: trak na panghakot ng basura kung saan me nakita akong taong natutulog)

- ______________. At least e hindi _____________. Kayo na magsingit ng halimbawa ninyo.
Kaya walang kwenta yung paliwanag na yun.
Sa isang banda e okey na rin. Panahon nang palitan yung kotseng yun. Blessing in disguise na rin.
(Note: Hindi nya pinaltan ang kotseng iyon. Pinaayos nya laang at pinagtyagaan pa ng ilan pang taon. Fast forward sa 2010, ihinimlay nya na to’t bumili sya ng bagong kotse -isang Sportivo na merong sticker ng piskal.)














































