Nagmamadali kong tinuyo ang matipuno kong dibdib ng aking tuwalya para mabilis akong makalabas ng banyo. Magbibihis na kong nung napansin kong wala pala kong dalang boxers. At dahil basang-basa ng pawis mula sa pagbubuhat sa gym ang kahuhubad ko laang na underwear e hindi ko na ito pwedeng isuot kahit pansamantala. Mukang manonood kami ng semis ng Pilipinas at Indonesia nang ganito. Paano ako magka-carthweel niyan ‘pag nakaskor tayo ng goal? Bahala na si Batman. Ang mahalaga e makaalis kami agad para makahanap kami ng bar kung saan kami makakanood ni Rico, ang kaibigan ko sa gym na Indonesian.
Tinitigan kong muli ang bagong-gupit kong buhok na mohawk. Ang inaambisyon kong itsura e parang lightweight na MMA fighter, pero mukang Recto punk ang kinalabasan. Dami pa naman nito rito sa labas ng Dago Plaza. Isinuot ko ang piratado kong t-shirt ni FrancisM. Nabili ko ‘to sa halagang P100 na tinawaran ng P90 sa palengke ng Tanza nung umuwi ako nung Hunyo 2010 bago bumalik sa ikatlong taon ko rito sa Bandung, Indonesia.

Matipunong dibdib na natatakpan ng jafeyk na t-shirt
Sa totoo laang e hindi ako fan ng football. Hinahamak pa nga namin ‘to ng mga kapatid ko at ilang ulit nang tinawag itong boring. Pero bilang isang Pinoy na nasa Indonesia, nasa magandang posisyon ako para maging isang kupal na killjoy. At iyon ang plano ko. At gagawin ko yun sa isang bar na puno ng Indonesians. Bahala na kung makapagsimula ako ng isang barroom brawl. Kilala pa naman ang mga football fans bilang rabid at hooligans. Daraanin ko na laang sa intimidasyon sa pamamagitan ng mohawk.

Intimidasyon
Pagbaba ko e umuugong ang buong lugar sa pagkanta nila ng national anthem ng Indonesia. Buong-pusong kinakanta ng mga gym instructors at members ang kanilang national anthem na tinapos nila ng masigabong palakpakan. Kulang na laang e magyakapan silang lahat bilang tanda ng kanilang kapatiran. Nakatipon sila sa harap ng 28″ screen ng tv, matamang nag-aabang ng laro. Tumigil na ang lahat ng nagwo-workout. Buong-yabang kong ipinarada ang peke kong t-shirt. Binati nila ako ng halakhak. Sa akin ang huling halakhak, sabi ko sa sarili ko. Matapos sabihin sa akin ng kapatid ko kagabi na sa husay ng bago nating team, e ‘We’re looking beyond Asia. Yun nga lang aka di natin talunin ang China at Iran.’
Wow! Sige, magtawanan kayo. At binagtas ko ang landas patungo sa isang pwesto malapit sa tv. Para akong naglalakad sa pugad ng mga leon.
Maingay sa stadium maging sa gym. Di ko sigurado kung ang Pambansang Awit na yoon, pero kelangang daigin ko ang 80000 na Indonesians sa Senayan at 30 sa gym. Sa ikalawang linya e sumablay na ko. ‘Peheherlas ng Silangan…’ Alam kong mali noong pinhaba ko yung syllables sa simula ng ‘Perlas’. Hindi naman nila malalaman knug tama o mali ang kanta ko dahil Tagalog kaya’t kung anu-anong kabalbalang kataga na laang ang lumabas sa ‘king bibig. Sa tingin ko tama ‘yung kinanta ko tungkol sa bundok, araw, bituin at kung anuman yun tungkol sa duyan sa hapon.
Sinadya kong baguhin ang huling linya sa ‘…ang PUUUmatay ng dahil sa ‘yooooooo.’ hindi bilang homage sa pelikula ni Chuck Perez noong araw, kundi dahil narito ako hindi upang iaalay ang buhay ko kundi para manguha ng buhay ng mga Indonesians.

Chuck Perez - wala na bang magbibigay ng pelikula sa kanya?
‘Alin ang team namin?’ tanong ko sa katabi ko.
‘Yung maraming naturalisasi,’ sagot ng kung sinumang Herodes yun.
Aling punyetang kulay sana ang isasagot ko nung nakita ko kung gaanong kalaki ng mga biceps na me tato nung Herodes na sumagot. ‘Aling kulay, Pak?’ tanong ko na may-galang.
Hindi niya ko pinasin.Ipinasa ni Herodes sa isang miyembro ng gym ang isang dyaryong Indonesian. Nung mtapos niya ‘tong basahin e hiniram ko. Di mo kelangang magkaroon ng doctor’s degree sa linguistics para maintindihan ang nilalaman ng article. Sa headline pa laang nito e matatanto mo na kung ano ang mensahe: ‘Duel Multinasional’. Ang laki ng larawan ng globo kung saan meroroong mga larawan ng ating mga ‘naturalisasi’ na ikinabit sa katawang cartoons na parang poster ng pelikulang ‘The Perfect Father’ ni Dolphy noong araw at mga arrow na nagtuturo kung saang mga bansang nagmula ng mga manlalaro. Ang anggulong kanilang tinututukan e ang kasamaan ng interracial marriages at ang lupon ng mga binhi ng mga ito na para silang kalahi ni Satanas. Para sa kanila, ito e laban ng isang bansang meroong konti laang na naturalisasi kontra sa isang nasyong pinunlaan ng mga demonyo at pinerpekto ng teknolohiyang ginagamit ni Ley-Ar para palakasin ang kanilang mga halimaw laban ke Shaider.

Parang gento pero Azkals.
Wala pa si Rico. Gaya ng tipikal na Indonesian, ang alas-6 na usapan e nahahatak hanggang alas-8. Ang tinatawag nating Pinoy time a ‘jam karet’ sa kanila o ‘stretchable time’.
At nagsimula ang laro. Paano ako magchi-cheer nito? Hindi ko alam kung alin ang Azkals. Pula ba sila o asul? Sinu-sino ba ang mahuhusay na manlalaro sa ‘tin? Kelan ka dapat magsisigaw na parang merong nangyayaring importante? Tapos, wala pa kong alam sa football, bukod sa pelikulang ‘Goal!’ na pinanood ko dahil kamuka ko yung bida.

Bidang kamuka ko
Malalaan ko rin kung alin ang Azkals. Kung aling team ang kinakampihan nila, dun ako sa kabila. Nakasipa ng isa ang isang Pinoy at ako’y humiyaw nang malakas. Nagtinginan sa akin ang lahat na para kong isang tanga. Humiyaw uli ako nung nakasipa pa tayo ng isa. Nakakuha uli ako ng kaparehong reaksyon. Hmmm… parang me mali sa ginagawa ko. Nagmatyag muna ako. Base sa obserbasyon ko hindi ka pala dapat sumigaw tuwing magtatagumpay ang player na makasipa ng isa. Sisigaw ka ng volume 5 pag rumaragasa ang team mo lamapas ng half court line. Sisigaw ka ng volume 7 pag ang player mo e malapit na sa goal sa puntong makikita nya na ang goal matapos magtatakbo sa walang hangganang kalakhan ng field. Volume 10 pag nakasubok na makaskor. At malamang volume 11 ala Spinal Tap pag naka-goal. Pag nakipag-usap ka sa katabi mo e volume 5 e ayos pa rin. Anyway, hindi naman nga ‘to sinehan.
Nagkabanggaan ang isang Pinoy at isang Indo. Sabi sa kin ni Herodes, ‘Temanmu kasar,’ na ang translation sa Tagalog e punyetang katarantadong magulang na manlalaro.

Onchie Dela Cruz - Kasar
Naagawan ng bola ang isang player natin. Itinaas ko ang kamay ko sa kunwang pagkasusot. Nagmura ko sa Tagalog para magmukang meron akong naiintindihan sa laro. Sa totoo laang e puro nagtatakbuhang players laang ang nakikita ko. Wala akong makitang offensive o defensive patterns gaya ng basketbol. Sa lalapit e sumulpot ang kalbong me balbas na si Rico.
‘Sori, macet,’ bungad niya sa kin. Traffic raw kaya sya nahuli.
‘Dito na laang tayo manood,’ mungkahi ko sa kanya. Naintindihan nya. Kung kami’y lalabas pa para maghanap ng bar at matatrapik laang e malamang di na namin mapanood ang aksyon.
‘Pustahan tayo para mas masaya. Matalo mag-aahit ng balbas,’ mungkahi ko ke Rico, ang beyond Asia e nasa isip ko.
‘Deal,’ sabi nya.
Di ako eksperto sa football gaya ng sabi ko kanina pero parang laging tutok ng camera e sa kanan, sa court ng Indonesia. Tanong ko ke Rico, ‘Ba’t ba hindi tuma-time out ang Pinas? Aba’y ‘ala namang nangyayare sa opensa nila.’
‘Walang time out sa football,’ sagot sa kin ni Herodes.
‘Sa akin ka na lang magtatanong,’ bulong sa ‘kin ni Rico na halata mong nahihiyang na para akong nanay niyang napilitang isama sa isang rock concert at nagtatanong kung bakit nag-aaway ang mga nagmomosh pit.

mosh pit - karanasang hindi akmang isama ang iyong nanay
Gusto ko sanang sagutin ng e bakit kumuha pa coach na taga-Serbia kung hindi naman pala gagawa ng adjustments sa gitna ng laro. Malamang e napipili ang mga coach sa kakayahang manlibak sa manlalaro sa praktis.
‘Yan ang kasar!’ sigaw ko sabay turo sa screen nung meron silang napataob na tisoy na player na Pinoy na pogi. ‘Aba’y binagsakan ng mag-asawang siko e wala pa ring card na binibigay. Yellow! Red! Black! Buset, warrant of arrest dahil asulto yan kung saan ako nanggaling!’
Malakas rin pala ang sense of humor ng mga Indonesians dahil nagtawanan sila nang malakas at sinabihan akong magrelaks. Ayos sana kung nagpapatawa ako. Wala palang warrant o arrest card sa football.
Kamputa! Nakaskor ang Uruguayanong nakapag-asawa ng mail-order bride na Indonesian na si Gonzales! Nangunguna sa pagtalon ang presidente ng Indonesia na si SBY. Nagsisunod naman ang lahat ng nasa stadium sa takot na ipabaril sila ng kanilang diktador sa mga tauhang nakaitim sa likod nya. Nagbigayan ng high fives ang mga nasa gym. Tinapik ako ni Rico at sumenyas sa kanyang balbas.

Lumipas pa ang ilang palitan ng bola. Sa isang punto ng laro e nagkaumpugan ang isang Pinoy at isang Indonesian player na ang panagalan e Nasuha. Nasususot ako sa player na ‘to na walang ginawa kundi gumulong sa sahig at mag-aarte. Pareho namang ulo ang nagtama, pero bakit kelangang balutan ng bandage ang ulo nya pagkatapos?
‘Uy, backing violation na!’ sigaw ko nung bumalik ang isang Garuda lampas sa half court nila.
‘Walang backing violation,’ sabi ni Rico sa ‘kin.
Dapat siguro e nag-internet muna ko para maintindihan ang mga rules. Para kang nanonood ng boxing nito at nagtataka kung bakit hindi sa yagbols suntukin para tumaob agad.
gaya nito
At nang sa patapos na ang half e naramdaman ko na ang napipintong pagkatalo ng Azkals. Sana e lumikha ng isang makabagbag-damdaming speech ang coach ng Pinas kung gaano kaimportante ang laro, ‘How football is life, about not giving up, about believing in the system and having faith in their teammates, about how the game is decided in inches, how those inches decide the difference between living and dying, about how they should crawl out of their grave inch by damn inch!’

Azkaleros Coach - time for his oratorical skills
Napagtanto kong nasabi ko pala yun nang malakas at ang speech na yaon e hindi sa isip ko laang. nangyari dahil tinititigan nila kong lahat. ‘Rico, ba’t di mo alukin ng tubig yang kasama mo?’ tanong ni Herodes.
Sa likod e merong isang lalaking nagpapaliwanag ng complexities of the game sa kanyang shotang bubae, kung anong tama ang ginagawa ng Garuda at kung ano pa ang dapat nilang gawin para ibaon ang Pinas. Sigurado akong hindi pa nito nako-close ang deal sa shota niya dahil para sa isang lalaking ganun kadesperadong magpaimpress sa kanyang shota, hanggang sinehan pa laang ang inaabot nila sa kanilang mga date. Siguro’y mas susuwertehin ka iho kung sa isang tunay na bar mo sya dadalhin para makakain ng tunay na dinner at makainom ng tunay na drinks, hindi yang Indonesian version ng empanadang walang karne at tubig na galing sa dispenser ng gym. Kamputa, bitter na ko.

Babaeng hindi impressed sa complexities of the game
Sa tuwing me tataob na Indonesian player e isa laang ang linya ko, ‘Saang sinetron (ang tawag nila sa telenobela o soap opera natin) ba napaghuhugot yang mga yan? Lalo na yang nanakasuyang Nasuha na yan at ang Mexican soap opera star na Gonzales na yan!’

nasuha - self-portrait with bandaged head, 2010

Gonzales at ang best actor trophy niya sa Mexican Soap Opera Awards para sa role niya sa 'Ojos del Rio'
At hindi na nakabawi ang mga Azkaleros sa second half. Sa football pala pag naskoran ka ng isa e para ka na ring nalamang 80 points sa basketbol. Natapos ang laro at nanganganib na nag balbas ko. Maalala ko lagi ang araw na ‘to magmula ngayon bilang araw ng unang football na napanood at natapos ko, hindi bilang birthday ni Madonna Co (na iba na apelyido ngayon sigurado).
Papogian na laang. At least sa larangang yun e panalo ang Pinas. Naipakilala natin sa buong mundo na ganito ang hitsura natin:

Ganito
samantalang sila e ganito:
Ganito
tama ka dun, kapatid! kung sa pa-pogian na lang idaan ang laban e pang-world cup na ang team natin! hehehe…
merry krismas!